HONEY BEE FARMING: PAG AALAGA NG PUKYUTAN O BEE FARM
HONEY BEE FARMING: PAG AALAGA NG PUKYUTAN O BEE FARM
Naranasan mo na bang habulin ng isang batalyong pukyutan? Marahil nakakatakot nga ang ganitong karanasan pero alam niyo bang ang mga pukyutan ay napakahalaga sa ating agrikultura? Alam niyo bang mainam rin silang alagaan at gawing negosyo? Alamin natin kung papaano ito sa artikulong ito.
ANO ANG PUKYUTAN O HONEY BEE?
Ang pukyutan o honey bee ay isa lamang sa mga grupo ng mga bubuyog na nakalilikha ng pulot o pulot-pukyutan (Ingles: honey)na nakakain ng tao at iba pang mga hayop. Tinatawag na anila o anilan (Ingles: honeycomb) ang sala-salabat na pagkit na nasa loob ng bahay-laywan o bahay-pukyutan, ang bahay ng mga pukyutan. Ang mga bubuyog na pukyutan ay kilala rin sa mga katawagang anilan o laywan, bagaman sinasabing isang uri ng pukyutan ang laywan.
PULOT PUKYUTAN O HONEY
Ang pulot pukyutan ay ang pulot na gawa ng mga pukyutan o honey bee. Ito ay malagkit, matamis, at masustansyang pagkaing paborito nating mga Pilipino o kahit pa mga banyaga. Pwede itong ipalaman sa tinapay at masarap ring ipanghalo sa piling lutuin. Kaya naman marami ang mga negosyanteng naiingganyong pasukin ang ganitong klaseng negosyo. Ang pag aalaga ng pukyutan o honey bee farming.
HONEY BEE FARMING, PAGAALAGA NG PUKYOTAN, ISANG PATOK NA NEGOSYO
Ang honey bee farming ay ang pag-aalaga ng mga bubuyog na pukyutan. Ang apiarista, mambububuyog, o tagapangasiwa ng alagaan ng pukyutan ay ang nag-aalaga ng mga bubuyog na pukyutan upang makapag-ani ng pulot-pukyutan at pagkit na galing sa bahay ng pukyutan, upang dumaan sa proseso ng polinasyon ang mga pananim, o upang makapagparami ng mga bubuyog na maipagbibili sa ibang mga tagapag-alaga ng mga bubuyog na pukyutan.
Dahil nga sa ang pulot pukyotan o honey bee ay marami ang gawang pakinabang lalong lalo na sa mga pagkain ay patok itong pang negosyo, dagdag pa rito, hindi ito nangagailangan ng malaking capital at hindi rin magastos pagdating sa pagkain nila.
MGA BENEPISYO NG PULOT PUKYUTAN
Ang pulot ay isa ring natural na pampatamis ngunit hindi alam ng karamihan na nagtataglay ito ng mga nutrisyonal at medikal na katangian. Ang pulot ay nagtataglay ng mga sumusunod na minerals; potassium, magnesium, calcium, sodium, chloride, sulfur, iron, copper, iodine at zinc. Ang mga nasabing minerals ay nakapagbibigay ng sapat na sustansya sa ating katawan. Mayroon din itong choline, isang napakahalagang vitamin B na kailangan ng ating utak.
Ang pulot ay mainam na panlaban sa mikrobyo at mga parasitiko. Ang kakayahan nito na mapigilan ang pagkalat ng maliliit na organismo ay napatunayan at naitala. Ang pulot ay nakatutulong din sa mabilis na paghilom ng mga sugat. Katunayan ay ginagamit ito ng ilang klinika upang ipanggamot sa ulcer at first, second and third degree burn. Napatunayan din sa pag-aaral ni Dr. Ian Paul ng Penn State University na ang pulot ay mas mabisang gamot sa ubo lalo na sa mga bata kaysa sa epekto ng dextromethorpan na nabibili sa mga botika. Ang pulot ay nakatutulong din sa mga sanggol na mapataas ang kanilang timbang, mapataas ang bilang ng haemoglobin at nakapag-papaayos ng panunaw habang pinalalakas nito ang resistensya upang malabanan ang mga sakit.
Iilan lamang yan sa mga benepisyo ng pulot pukyotan. Hindi ba’t mas maganda ang negosyong kumita kana, nakatulong kapa.